Sunday, November 1, 2015

Regrets



Lahat naman tayo may mga bagay na pinagsisihan. Mga bagay na sana hindi nalang nangyari. Walang taong hindi nagsisisi. Bakit ng aba nagkakaroon ng mga bagay na pinagsisisihan? Padalos-dalos na desisyon. Ito kasi yung mga pagkakataong nagdedesisyon ka ng dahil sa emosyon mo. Minsan dahil na din sa kayabangan kaya nagkakamali, at sa mga pagkakamaling ito ay nagwawakas sa pagsisisi.

Pagbagsak ng grado, pagkasira ng isang relasyon, pagkakasakit dahil ginagawa ang bawal at ang pagkakulong. Ilan lamang ang mga bagay na ito na maaaring pagsisihan. Kung ayaw magsisisi kailangang mag-isip ng mabuti bago tumuntong sa susunod na hakbang. Dahil ang bawat nating desisyon ay hindi na mababawi pa kapag nangyari na. Sa tingin ko, ang mga paraan para maiwasan ang pagsisisi ay dapat marunong kang umitindi, tumingin kung ano ang tama at mali, gamitin ang puso at isip, at higit sa lahat tumingin ka sa taas at humingi ng tuilong sa kanya.

May mga tao bang walang pinagsisisihan? Wala. Kung meron man, sila yung mga taong manhid at tikom sa mga nangyayari. Sa loob ng labing siyam na taon ko sa mundong ito. Nagkaroon na din ako ng mga bagay ng pinagsisihan ko ng husto. At ang pinaka matindi sigurong bagay na pagsisisihan ko ay ang mawalan ng mahal sa buhay ng hindi ko nasasabing mahal ko siya. Bagay na hindi ako makapaniwala sa pagdating nang araw. Bagay na ayokong mangyari.

Sa aking paglalakad isang araw pauwi sa aming bahay. May napulot akong sulat. Binasa ko ito.







Mahal kong Lola,


Hanggang ngayon, hindi pa din ako makapaniwala na wala kana, ayaw pa ding tanggapin ng puso at isip ko ang katotohanang wala kana. Mahirap tanggapin. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Sayang lola, hindi ko nasulit ang mga panahong buhay ka pa. Hindi mo naabutan ang araw ng pagtatapos ko sa Kolehiyo, may papatunayan pa naman sana ako sayo. Sayang! Kasama ka pa naman sa mga plano ko kapag nakapagtapos na ako at nagkatrabaho na ako. Pero paano na lahat ng iyon ngayon? Wala kana. Wala man tayong masasayang ala-ala na binuo ng magkasama, hindi maalis dun na mag lola pa din tayo. Lola pa din kita. At hindi iyon magbabago. Ilang araw kong iniyakan ang pagkawala mo. Hinihiling ko nga na sana magpakita ka sa akin kahit sa panaginip lang. Ang dami kong gusting sabihin sayo. Sayang lang at sa dalawang kapatid ko lang ikaw nagpapakita sa panaginip. Nangungulila kaming lahat sayo. Hindi ka na naming makikita. Nakakalungkot, nasayang ang maraming taon n asana magkasama tayo at masaya. Kung hindi lang nangyari ang mga away sa mga tito at tita ko sa nanay ko, sana naging masaya tayo. Sana nakabuo tayo ng masasayang ala-ala. Nakokosensya ako lola, nung mga panahong buhay ka pa at gusto mong magkasundo ang lahat, lagi mo kaming kinakausap pero hindi ka naming pinapansin. Nakikita pero parang wala lang. Sayang lang at hindi na kita makikita. Nanghihinayang ako sa mga nasayang na oras, mga oras na dapat ginugol ko kasama ka. Ang tanga ko lang at nagbulag bulagan ako. Hindi ko kaagad nakita mga magagandang bagay sayo, sa halip puro masasamang bagay na nagawa mo lagi. Nagsisisi ako at ngayon ko lang napagtanto lahat ng ito. Ngayong wala ka na. Sayang! Sayang!

Oktubre 12, 2015 Lunes ng umaga (5:30am-6:00am) Nakita ang walang malay mong katawan sa loob ng banyo. Maputla at tila hindi na humihinga. Dinala ka agad nila sa Ospital at duon nalaman na paralisado ang kanang bahagi ng kanyang katawan. Hindi ka gumigising. Maraming tumatawag sa pangalan mo pero wala kang tugon mula sayo. Hindi ka dumidilat at nagsasalita. Pero alam kong naririnig moa ng mga sinasabi naming sayo. Unti-unting bumubuti ang lagay mo. Bumabalik na ang kulay sa mukha mo. Lumalaban ka pa. Ikalawang araw mo sa Ospital, hindi ka pa din gumigising, dinalaw ka naming at bumungad sa amin ang iyong kalagayan duon. Isang sitwasyon na hindi ko akalaing kalalagyan mo balang araw. Isang sitwasyon na ayokong mangyari sa mga mahal ko sa buhay. Dahil sa tuwing nakakakita ako ng mga ganung bagay, nasasaktan ako. Ayoko makakita ng mahal ko sa buhay na nahihirapan.

Noong araw na nakita ko ang sitwasyon mo, naiyak ako. Gusto kitang yakapin at halikan. Gusto kitang tawaging “Lola..” Gusto kong hawakan ang kamay at paa mo. Gusto kong gawin lahat ‘yun. Ngunit hindi ko nagawa dahil nakapaligid sayo ang mga taong napopoot sa isa’t-isa. Kung alam ko lang na huli na ‘yun, sana ginawa ko. Sana hindi ko inisip ang sasabihin ng ibang tao kapag ginawa ko ‘yon. Sayang! May pagkakataon pa sana ako nu’n. Kaso hindi ko nagawa. Kung ginawa ko siguro ‘yun baka bumangon ka bigla at gumaling. Dahil narinig moa ng tinig ng taong gusto mong magkaayos. Sayang! Pangalawang araw mo na ‘yun at hindi ka pa din nagigising, hindi kampa kumakain. Ang daming tubo na nakalagay sa katawan mo. Dextrose at sa labasan ng dumi. At dahil hindi ka pa din nagkakamalay, sinaksakan ka ulit ng tubo sa ilong mo para maipasok ang pagkain sa katawan mo, tulad ng gatas. Habang pinapasok ang tubo alam kong nasasaktan ka, kitang kita sa mukha mo ang sakit. Dahil naiigagalaw mo ang kaliwang bahagi ng katawan mo. Ang kamay at paa mo. Sa mga oras na iyon, nasasaktan ako. Ayokong makita. Ayokong makita kang ganun. Pero alam kong lumalaban ka para sa amin, alam kong magigising ka pa. Lubusan akong natuwa ng makitang dumilat ang mata mo. At ang direksiyon kung saan ka nakatingin ay sa posisyon namin. Pero kaagad ding bumagsak ang mata mo. Alam kong pinilit mo lang dumilat. Ang hindi ko matanggap, huling sulyap mo na pala iyon sa amin. Pero ayos na ‘yun, ang saya sa pakiramdam na ang huling tingin mo ay samin mo nilaan. Malaking bagay na ‘yon. Lalaban ka lola para Makita mo pa kaming makapagtapos at magkaayos-ayos ang pamilya mo. Bagay na nais ko ding mangyari.

Ngunit lahat iyon imposible nang mangyari. Dahil Oktubre 24, 2015 12:30am. Tuluyan mo na kameng iniwan, gising pa ako ng mga oras na ‘yun dahil nag-aalala ako sa kalagayan mo. Kung alam ko lang sana na iyon na ang huling beses na makikita kitang may buhay pa, sana ginawa ko na lahat ng bagay na gusto kong gawin sayo. Sana hindi muna kame umuwi kung iyon nalang pala ang huling pagkakataon na makikita ka naming kumikilos pa at humihinga. Sayang ang panahon. Sayang ang oras. Masyado kasing nagugol ang mga nasayang na oras na iyon sa sama ng loob, pagkimkim ng galit at pagtatanim ng sama ng loob. Nanalig ang galit sa bawat isa. At ngayon ay nagsisisi. Hindi pa din makapaniwala. Ilanga raw ng mugto ang mata ko. Sa tuwing iniisip kong wala kana, lagi kong naaalala ang mga sandaling buhay ka pa at ang mga bagay na lagi mong ginagawa at ngayon ay hinahanap hanap.

Unang araw ng burol mo. Ayaw kitang makita sa ataul, pero pinilit ako. At nang Makita ko ang nakahimlay mong katawan sa ataul. Namuo ang luha sa aking mga mata. Pinipigilang umiyak. Hindi kana tinitigan ng mas matagal. Nasasaktan ako. Ayokong maniwala sa mga nakikita ko. Napaka imposible. Malakas ka pa ei. Ang dami mo pang kayang gawin. Bakit? Bakit ka bumitaw? Bakit? Ang sakit isipin na hindi na kita makikita kapag papasok ako at uuwi, magwawalis ng dumi ng iba at higit sa lahat hindi ko na matitikman ang mga luto mo. Ang laki ng pagsisisi ko. Nanaginip ang kapatid ko na nabuhay ka. Hinanap ko ang kahulugan ‘nun at nagulat ako sa resulta dahil totoo. Inigsabihin daw ‘nun ay hindi pa nakapagpaalam na maayos ang namayapa at may hindi pa siya tapos na gawain. “Yun ang makita si Tita Cristina at ang magkaayos ang mga anak mo. Masyado kasing mabilis ang mga nangyari. Salamat sa dalawang lola na ginamit mong instrumento para gabayan at maipakita at maiparamdam mo sa akin ang pagmamahal mo. Kahit papaano naiparamdam mo sa akin na binabantayan mo ako. Salamat lola. Maraming Salamat. Sana sa pagkawala mo ikaw ang magsilbing solusyon upang magkaayos-ayos na ang lahat ng magkakapatid. Hindi ako nangangako pero gagawin ko ang lahat para mabago ang pananaw ni Ina. Ikaw na po ang bahala kila Tita at Tito. Tiyak mahihirapan kaming tanggapin ito. Matagal bago namin matanggap. Pero lola ‘wag kang mag-alala, papahalagahan ka pa din naming kahit nasa itaas kana.

Lola, isang lingo ka palang nawala, nangungulila na kame sayo. Sana masaya ka na diyan kasama si Lolo at ang Panginoon. Gabayan niyo kame lola. Mahal na mahal kita. Sayang at hindi ko naiparamdam sayo ng mas maaga. Sayang at hindi mo naramdaman kung paano ako magmahal. Sayang! Mahal na mahal ka namin. Hinding hindi ka naming makakalimutan. Mananatili kang buhay sa puso at isip namin. Mga ala-ala mo ay sasariwain. Maraming salamat sa lahat lahat lola. Salamat ng marami.
Mahal na mahal ka namin. Walang magbabago!!

Nagmamahal,
Apo,

Ang ganitong bagay ‘din ang aking pagsisihan sa buong buhay ko. Kapag nawala ang taong mahal ko na hindi ko man lang nasasabing mahal ko siya at mahalaga siya sa akin. Sa sulat na ito ang daming nasayang. Ang daming pinagsisihan. Sana inalagaan kita. Sana nagtagal muna kame ‘nun. Sana pinansin naming ang presensya mo nung buhay ka pa. Sana.. Sana.. Sana.. Sana nalang ang lahat nag iyon. Sana naipakita ang pagmamahal sa kanyang lola. Sana na naman. Walang katapusang sana at pagsisisi. Ganyan naman lagi ei. Kung kalian wala na ‘yung tao, hahanaphanapin mo. Kung kalian wala na siya tsaka mo lang malalaman na sobra pala siyang mahalaga sa buhay mo. Sa lahat ng pagsisisi kasumod lagi si sana.

Sa sulat na ito, isa lang ang napagtanto ko. Huwag malunod sa galit kundi dapat sa pagmamahal. Mahalin mo siya habang nandiyan pa siya sa tabi mo. Bigyan ng halaga at ‘wag babalewalain. Dahil ang pagsisisi ay laging nasa huli. Kaya nilagay ang pagsisisi sa huli ay upang malaman mo ang kalakip na aral nito na mula sa mapait na karanasan. Aral na dapat gawin sa buhay. Lahat ng pagsisisi may aral.
“Malalaman mo lang na mahal at mahalaga siya sayo kapag hindi mo na siya makikita pa.”

No comments:

Post a Comment