Tuesday, October 20, 2015

Buhay Sa Unibersidad


Mahirap daw ang kolehiyo, maraming gastusin, maraming gawain at ito ay para lamang daw sa mga matatalino. Ang mga bagay na ‘yan ang kadalasang sinasabi sa atin. Nanghihinayang sila dahil aaksayahin lang daw ang pera at oras kapag hindi nagtino. Hindi naman lahat ay ganito. Iba-iba tayo.
Hindi normal ang aking naramdaman sa unang araw ng klase ko sa kolehiyo. Nalulungkot ako, naiiyak, at nangungulila ako sa mga dati kong kaeskwela at mga kaibigan. Wala akong gana sa unang araw na ‘yun. Sobrang lungkot. Samahan mo pa ng mga sabi-sabi na masungit daw ang mga professors at sobrang mahirap daw magbigay ng mga gawain. Pero lahat ng ito ay nawala, dahil napagtanto ko na mali ako. Sobrang mali.

Matagal ko na natanggap sa aking sarili na isa na akong kolehiyo. Pero hindi nagtagal ay nagugustuhan ko na ang buhay kolehiyo. Masaya pala. Sobra. Parang Hayskul lang din pala. Ang pinagkaiba lang ay nagpapalipat lipat ka na ng klasrum, may lingo na tatlong araw lang pasok mo, at may mga araw din na sobrang haba ng break niyo at didiretso sa Mall. Saya diba?
Kumuha ako ng kursong Bachelor of Science in Business Administration Major In Marketing Management. Hindi ko ito first choice at hindi ako pumili ng kursong ito. Gusto ko ba ito? Hindi. Yung first choice ko ba ay ako ang pumili? Hindi din. Titser sana ang first choice sakin ng aking ina, ngunit ang gusto ko sanang major ay hindi available sa pinaka malapit na Unibersidad ditto sa amin. Kaya wala akong magagawa. Binase ko lang din ang kurso ko ngayon sa resulta ng eksam ko sa NCAE o National Career Assessment Examination. At sa Business daw ako magpupunyagi. Kaya nandito ako ngayon.

Una akong nag eksam ng Entrance Exam sa Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa Campus. Sa kasamaang palad hindi ako pinalad makapasa dito. Hindi siguro ito para sa akin. At nagpapasalamat na din ako dahil kung naipasa ko to marahil hirap na hirap ako ngayon sa transportasyon. Buti nalang. Sa Bulacan State University-Sarmiento Campus ang sumunod na university na pinag-eksaman ko. Sabi ng magulang ko huli na to. Pag hindi ka nakapasa, hindi ka muna mag-aaral. Mabilisan nalang din to. Matapos ang tatlong araw dumating na ang araw ng eksam. Kabado? Oo, bakit? Dito nakasalalay ang kinabukasan ko at kapag hindi ko naipasa.. oras na siguro mag paalam. Ibigsabihin hindi talaga para sakin ang kolehiyo. Pero dahil kailangan ko daw mag-aral dahil kulang pa daw ang nalalaman ko. At ayun, nakapasa ako. Salamat. Tuloy ang biyahe sa magandang kinabukasan. Enrollment na. Sobrang haba ng mga pila. Balik ulit bukas kung kulang ka ng mga requirements na kailangang ipasa. Mainit, nakakauhaw, nakakapagod, at nakakainit ng ulo ang mga sumisingit. Pero kailangan maging kalmado. At ayun nga natapos din.

Unang Araw ng Klase:

Iba’t ibang bagong mukha ang nakikita ko. May maganda, may panget, may mataba, may payat, may mukhang adik, may mukhang matalino, may mukhang hindi matalino, may bakla, may tomboy, may maliit, may matangkad at may mag syota. Naghalo-halo na sila. Saan ba kayo diyan? Kapag inihambing mo ang mga mo sa Kolehiyo, masasabi mo na parang Hayskul lang din. May pasikat, antukin, musikero/musikera, matalino, bobo, lutang ang isip, wala sa sarili, reponsable, palabasa, mahilig magdrawing, model, MVP/player, bolero, malakas mang-asar, lagging pinagtitripan, matakaw, mahinhin, kulang sa pansin, may sipsip at may palabiro. Para lalo mong maintindihan. Basahin ang akda na ito na isinulat ni Bob Ong.

Isang Dosenang Klase ng High School
(Halaw sa librong ABNKKBSNPLAko?!)
Ni: Bob Ong

Clowns- Ang official kenkoy ng klase. May mga one-liner na gumigising sa lahat kapag nagkakaantukan na. Sabi ng mga teacher, eto raw ‘yung mga KSP sa klase na dahil hindi naman matalino e idinadaan nalang sa patawa ang pagpapapansin. Pero aaminin ko, walang klaseng walang ganito, at kung mayroon man, magiging matinding sakripisyo ang pagpasok sa eskwela araw-araw.

Geeks– Mga walang pakialam sa mundo, libro-teacher-blackboard lang ang iniintindi. Kahit na mainit ang ulo at badtrip ang teacher, ang mga geeks ang walang takot na lumalapit sa kanila para lang itanong kung mag-iiba ang resulta ng equation kung isa-substitute ‘yung value ng X sa Y.

Hollow Man– May dalawang uri ng HM virus, ang type A at type B. Ang type A ay mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent. Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz, hollow ang utak.

Spice Girls– Barkadahan ng mga kababaihang mahilig gumimik, sabay-sabay pero laging late na pumapasok ng room pagkatapos ng recess at lunch break. Madalas na may hawak na suklay, brush at songhits. Pag pinagawa mo ng grupo ang isang klase, laging magkakasama sa iisang grupo ang SG.

Da Gwapings– Ang male counterpart ng SG, isinilang sa mundo para magpa-cute. Konti lang ang miyembro nito, mga dalawa hanggang apat lang, para mas pansin ang bawat isa. Tulad ng SG, kadalasang puro hair gel lang ang laman ng mga utak ng mga DG.

Celebrities– Politicians, athletes, at performers. Politicians ang mga palaban na mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng eskwelahan at kapwa estudyante kesa sa grades nila sa Algebra. Athletes ang ilang varsitirian na kung gaano kabilis tumakbo e ganoon din kabagal magbasa. Performers naman ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa eskwela e para makasayaw, makakanta, at makatula sa stage sa tuwing Linggo ng Wika. Sa pangkalahatan, ang mga celebreties ay may matinding PR, pero mababang IQ.

Guinnees–  Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation. Paulit-ulit at madalas magtaas ng kamay kahit na mali ang sagot.

Leather Goods– Mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon. Laging determinado ang mga ito sa harapang pangongopya, bulgarang pandaraya, at palagiang pagpapalapad ng papel sa teacher. Talo ang balat ng buwaya sa pakapalan.

Weirdos– Mga problematic students, misunderstood daw, kadalasang tinatawag na black sheep ng klase. May kanya-kanya silang katangian. Konti ang kaibigan, madalas mapaaway, mababa ang grades, at teacher’s enemy.

Mga Anak ni Rizal– Ang endangered species sa eskwelahan. Straight ‘A’ students, pero well rounded at hindi geeks. Teacher’s pet, pero hindi sipsip. Hari ng Math, Science, at English, pero may oras pa rin sa konting extra-curricular activities at gimmicks.

Bob Ongs– Mga medyo matino na medyo may sayad. Eto ‘yung estudyanteng habang nagle-lecture ‘yung teacher e pinaplano na ‘yung librong ipa-publish nya tungkol sa mga classmates n’ya.

Commoners– Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at katangiang umuukit sa isipan. Hindi sila kagad napapansin ng teacher pag absent, at sa paglipas ng panahon, sila ang mga taong unang nakakalimutan ng mga teachers at classmates nila.
Oh. Ayan. Nandiyan na lahat ng gusto kong sabihin. Lahat yan meron parin sa kolehiyo. Hindi na ata mawawala ang lahat ng ‘yan. Pero aminin man natin o hindi kulang ang klasrum kung wala ang mga ganyang uri ng tao. Magiging walang gana ang buong tao o semestre na magkakasama kayo. Kaya pahalagahan niyo din sila. Alam kong nakikita mo ang sarili mo sa mga isa iyan. Isekreto mo nalang.

Unang Pakikipagkilala:

Umupo ako sa isang bakanteng upuan na malapit sa may mga tao. Para makipagkilala na. Pero habang minamasdan ko sila napagtanto ko na hindi sila ang uri ng kaibigan na hanap ko. Masyado silang madaldal at ayokong mahawa ako sa kanilang ugali. Kaya ayun, nanahimik muna ako. Tinitignan ang bawat dumadaan, naghahanap ng pogi at maganda, naghahanap ng kakilala at ng mga taong pwedeng kaibiganin na ilaagay ako sa tama.

May nakita nga akong kakilala kaso hindi kame magkaklase. Kaklase ko siya sa hayskul at malapit kami sa isa’t isa. Sayang nga at hindi kame pareho ng seksyon kahit na pareho kame ng kinuhang kurso. Wala pa din akong napipiling kaibiganin. Hanggang sa “May nakaupo na diyan?” tanong sakin ng isa kong kaklase na kakadating lang. “Wala pa” sagot ko. At agad naman siyang umupo sa tabi ko. Napaisip ako, eto na yun. Eto na yung kaibigan na hinahanap ko. At sa tagal ng aming propesor nagkakwentuhan kame. Nagpakilala sa isa’t isa na may kasamang handshake. Itago na’lang natin siya sa mga initials na Ms. DZB. Pareho pala kame ng sitwasyon, yung kaibigan niya din pala ay nasa kanilang seksyon din. Ibigsabihin yung mga kaibigan naming ay magkaklase. Gusto ko siya dahil matalino siya at magaling siyang magsalita. Sa tingin ko ay mahahawaan niya ako ng kasipagan sa pag-aaral at natutuwa ako.

Unang Pagbisita ng Propesor:

Dumating na siya. Kinakabahan ako. Mukha siyang masungit. Dito na ba magsisimula ang paghihirap ko sa Kolehiyo? At dahil unang araw palang ng pasok nag pakilala lang sa isa’t-isa at may pinadala siyang mga iilang gawain na ipapasa sa susunod na lingo. Napaisip ako. “Madali lang pala.” Sa aming pagkikipagkilala lagging tinatanong ay kung sino daw baa ng pumili ng kurso naming? Magulang daw ba o kame? Una o pangalawang pagpipilian lang? Gusto ba naming ito o hindi. At nung matapos na ang kalokohang iyon, napagtanto ko na hindi lahat gusto ang kurso na kinuha nila. At pareho lang kame lahat ng mga dahilan. Magulang ang pumili. Hindi kinuha ang kurso na yun dahil mahal at malayo ang eskwelahan. Ang nangyare tuloy ay kung saan ang pinakamalapit at kung anong kurso lang meron dun, yun na lang. Kaya nasabi nalang ng propesor naming na. “Hanggang maaga pa, lumipat na kayo. Hindi kayo magiging masaya dito hangga’t hindi niyo hilig ang kursong ito. Mahihirapan kayong ipasa ito kung iba ang tinitibok ng puso niyo. Hindi kayo kailangan dito. Doon kayo sa kurso na ikakasaya niyo!” Yaan ang mga sinabi niya. Totoo naman diba? May nagsabi pa nga na “Kung mga magulang niyo lang din pala ang pumili ng kurso para sa inyo eh di sila nalang ang mag-aral.” Natawa ako dito.

Sa pagtatapos ng kanyang oras napagtanto ko na hindi naman pala masungit o mahirap. Basta sundin lang lahat ng pinapagawa at mag-aral ng mabuti. Siguradong papasa at makakatapos ka.

Unang Lunch Break:

Kakain ba ako? Tanong ko sa sarili ko? Sanay kasi ako na hindi kumakain kapag nasa labas. Matipid kasi ako. Nag-iipon para sa mga gastusin sa hinaharap. Kaya yung 100.00 ko na baon ay hindi ko talaga inuubos, dapat may matitirang 50.00. Sa makatuwid 50.00 lang din dapat ang mabawas. Kasama na ang pagkain at tranportasyon. Minsan kasi nilalakad lang namin yun, mula skul hanggang sa bayan.

At ayun nga ang daming pagkaing pwedeng bilhin kaso kailangang magtipid. Pero hindi ko akalaing mababago ko ito. Sa tamang panahon.

Unang Lecture:

Nagulat ako. Iba na pala ngayon. Kung dati papel at panulat ngayon kamera na. Yung mga android phone ang gamit nila. Kaya picture picture nalang sila. Samantalang ako. Sulat ditto sulat doon. Dahil ang cellphone ko lamang ay isang keypad Cherry Mobile C8. May kamera pero malabi. Para sa komunikasyon lang talaga. At pinangako ko sa sarili ko na makakabili din ako niyan. Sa Tamang Panahon.

Hindi pa din talaga ako nagbabago, pagdating sa mga ganitong oras, tinatamad ako making. Inaantok ako. Walang gana. Lalo na kapag nakakaantok talaga yung nagtuturo. Pero kailangang labanan ang antok dahil kung hindi mapapalayas ka sa klase.

Unang Uwian:

Ang hirap makauwi. Walang kasabay sa tricycle. Ayokong magpaspecial dahil mahal ang babayaran. Mag-iintay ka muna ng ilang minute o minsan pa nga oras ang hihintayin. At ayun nga kapag nakasakay kana. Jeep naman yung poproblemahin. Ang tagal lagi punuan, pero minsan lang naman yun. Nakakainis lang kapag natrapik ka pa. Unang sakay ko yun sa Jeep ng mag-isa. Hindi kasi ako gala at hindi ako sanay sumakay ng jeep ng walang kasama. Pero nagkamali ako, kaya ko pala. At nagagawa ko yun ngayon. Nakakarating na ako sa mga malalayo. Yung tipong kapag napuntahan ko na ng isang beses kaya ko ng pumunta mag-isa. Makakauwi ka naman kung marunong ka magbasa at magsalita. At kung hindi naman. Maliligaw ka.

Unang Eksam:

Tuwing eksam hindi maiiwasan ang mga hindi nagrereview, at isa ako dun. Yung tipong pagkauwi ng skul sasabihin mo sa sarili mo na “Sige. Mamaya magrereview ako. Pahinga lang sandal.” Pero nakatulog ka tapos sasabihin mo na “Iseset ko nalang alarm, gigising ako ng maaga para magreview.” Pero kapag tumunog na yung alarm, paulit-ulit mo nalang itong papatayin hanggang sa maghahanda ka na para pumasok at magmamadali kana dahil magrereview kapa kunti. Ako to ei. Lagi koo to atang ginagawa kapag hindi ko gusto yung subject.

Pero ayun na nga tuwing eksam. Hindi na ata maiiwasan ang pangongopya. Kung mahina ka. Hindi ka makakakopya. Minsan nga gumagamit pa ng kodigo. Alam mo bang may bago ng paraan ng pangongodigo? Hindi na uso yung ilalagay yung sagot sa panyo, isusulat sa may binti, isusulat sa table, isusulat sa kamay, magpupunit ng maliit na papel tapos isusulat ang sagot at yung istilo na kunwari may nalaglag titingin nap ala sa kodigo. May bago ng paraan ngayon. Kung may Android phone ka, madali lang sayo ito. Open lang ang Bluetooth tapos ayun na, pasahan na ng sagot. Matapos kuhanan ng litrato ang papel handa na upang ibahagi sa lahat. Wala ng imposible ngayon. High tech na eh. Kawawa ang walang Android. Magagamit mo na ang Android sa lecture at eksam. Kaya sa wala pang android? Bili na kayo. OPlus ah? Para suporta kay Maine Mendoza. XD

Ngayon:

Napagtanto ko na lahat ng inisip ko sa simula na negatibo, lahat yun mali. Dahil ang saya pala. Marami ang nabago sa akin maliban lang sa Cellphone ko. Nagiging responsible na ako. Yung tipong ako gagawa para sa lahat. Kumakain na ako kahit hindi lunch o kahit lunch na. Yung tipong kunti nalang natatabi ko. Pero ayos lang yun, ang mahalaga maging masaya sa mga nalalabing ilang araw sa kolehiyo. Dahil isang taon na lang magtatapos na ako. At kapag nagtrabaho ka daw ay nakakamiss ang mag-aral. Kaya susulitin ko na ang isa’t kalahating taon para magsaya at subukan ang mga bagay na hindi ko pa magagawa. Alam kong marami pa kaming dapat pagdaanan. Marami pang paghihirap. Marami pang away kapag hindi kame nagkakaintindihan. Marami pang sasagutang eksam. Marami pang ipapasa. Marami pa. Sobrang dami pa. Pero dapat habang ginagawa mo ‘yun, nag-eenjoy ka dahil mas masarap gawin ang isang gawain kapag masaya ka at gusto mo ang ginagawa mo. Huwag mong madiliin, dahil kapag nagmadali ka magiging walang kwenta lang ang mga ginagawa mo.
Ngayong kolehiyo natutunan kong kumilos ayon sa edad at sa pinag-aralan mo. Makisama, kahit alam mong ayaw niya sayo at ayaw mo sa kanya kailangang magpanggap na gusto niyo ang isa’t isa. Para may magawa kayo. Kailangang habaan ang pasensya dahil ang sarap sa pakiramdam kapag natapos mo ang isang bagay na pinaghirapan mo. At higit sa lahat, natutunan kong magsaya kahit gaano pa kahirap ang mga pinapagawa sa inyo. Kaya natin ‘yan.

Ang sarap marinig ang salitang “Congratulations!!!” Tapos magcecelebrate kayo lahat sa na achieve mo. At gusto ko ang susunod na CONGRATULATIONS na marinig ko ay sa araw ng pagtatapos ko. Ang sarap kasi isipan na, sa wakas tapos ka na sa lahat ng requirements, quizzes, eksams, thesis, defense, projects at kung ano-ano pang pangpahirap pero pampatatag naman sa bawat isa satin. At lahat ng natutunan ko sa aking Alma Matter ay aking dadalhin hanggang ako ay nagtatrabaho. Marami akong gustong abutin at gawin. Hindi lamang para sa aking sarili kundi para din sa aking pamilya at kapwa ko. At magpasalamat tayo sa mga taong nakatulong sa atin para makatapos tayo. Magulang, kapatid, kaibigan at higit sa lahat ang panginoom. Kung ipahihintulot ng panginoon sana makamtam ko lahat.

Masarap ienjoy ang mahahalagang araw sa buhay mo kasama ang mga baliw at puno ng kalokohan niyong magkakaibigan. Dudugtungan ko nalang ito kapag nakapagtapos na ako.

Sa pag-aaral hindi maiiwasan ang may humadlang at magpahirap, pero kung gusto mo talaga makuha ang isang bagay, walang kahit sino ang makakapigil sayo. WALANG MAKAKAPIGIL SA AKIN! Kayanin mo ang bawat pagsubok na ibinibigay sayo/sa atin. Kaya natin’to. Mas masarap damhin ang isamg bagay kapag sa hirap mo nagmula. Hingi lang muna tayo tulong kay Lord. Tutulungan niya tayo.

P.S. I do not own any pictures here.

Credit to the owner.

1 comment: